5 isinasangkot sa carnapping, arestado

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 11:20 PM | Updated as of Oct 06 2017 12:09 AM

Lawaran mula sa Nagcarlan Police

LAGUNA - Nasakote ng mga pulis ang limang sangkot umano sa nakawan ng sasakyan sa Nagcarlan, Laguna.

Naalerto ang mga otoridad sa ginagawang modus ng pagnanakaw sa lugar matapos maiulat ang pagkawala ng isang sasakyan.

Nai-timbreng nakita sa Magallanes, Cavite ang sasakyang nawala mula sa Nagcarlan.

Sa pakikipag-ugnayan sa Magallanes Police, naaresto sa isang checkpoint ang suspek na kinilalang si Roldan Perez, kasama ang nakababata nitong kapatid na si Raymond Perez.

Sakay sa hindi umano'y ninakaw na sasakyan ang dalawa.

Matapos maaresto, itinuro ni Roldan ang iba pang mga kasabwat na sina Jomel Commendador, Mark Angelo Dorado, at Nordee Pagtananan.

Batay sa impormasyong nakuha ng mga otoridad, sina Commendador at Dorado ang kumukuha ng mga sasakyan habang si Pagtananan at ang iba pa nilang mga kasamahan ang kumokontak kay Roldan para i-pick up ang sasakyan.

Pawang mga lumang modelo umano ng sasakyan ang binibiktima ng grupo.

"Tinitira nila 'yung mga lumang sasakyan kasi madaling buksan at saka madaling ibenta sa chop-chopan," ani police Chief Inspector Reynaldo Vitto.

Dinala na ang mga akusado sa Nagcarlan matapos ma-inquest sa Sta. Cruz, Laguna.

Bagama't nauna nang umamin sa pangangarnap, todo tanggi naman si Roldan sa akusasyong magkakasama sila ng iba pang nahuli.

Kalaunan ay inamin din niyang magkakasama sila at ayon sa kanya, Agosto nang sinimulan nilang gawin ang pagnanakaw.

"Simula po noong magpipyesta, nung magkakila-kilala kami, nagkita-kita, 'yun lang ho tapos itong dalawang sasakyan," ani Roldan.

Pinaniniwalaang nago-operate ang grupo sa Cavite-Laguna area.

Patuloy naman ang isinasagawang operasyon ng mga otoridad para matunton ang iba pang kasamahan ng mga nahulo.

Napag-alaman naman na dati nang may mga kinasangkutang kaso ang apat sa limang nahuli.

Nagbigay naman ng babala ang pulisya sa mga residente hinggil sa pag-iingat sa kanilang mga sasakyan para maiwasang mabiktima ng kaparehong grupo.

Nasa kustodiya ngayon ng Nagcarlan Police ang limang suspek na nahaharap sa kasong carnapping.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.