2 estudyante natagpuang patay, nakagapos sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 08:44 AM

RODRIGUEZ, Rizal - Nakagapos ang mga paa at kamay ng 2 college students nang matagpuang patay sa liblib na bahagi ng Barangay San Jose sa bayang ito, Miyerkoles.

Posibleng hinalay at sinakal ang biktimang babae na hubad nang mahanap, ayon kay PO1 Jaymar Yim. May 2 saksak naman aniya sa baywang ang kasama nitong lalaki.

Private property at kilalang "lovers' area" ang lugar kung saan nakita ang mga bitkimang pinaniniwalaang magkasintahan. Nahanap ang mga biktima nang rumonda roon ang isang security guard, ani Yim.

Dagdag ng pulis, walang CCTV sa lugar at wala pang lumulutang na saksi sa krimen.

Nawawala rin aniya ang cellphone at pera ng mga biktima kaya pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnang motibo ng pulisya.

Ayon kay Yim, posibleng 2 o higit pa ang mga salarin. Natukoy na aniya ng pulisya ang isang person of interest sa kaso.

Ilang insidente ng pagnanakaw ang naitala sa lugar, pero ngayon lang may pinatay roon, banggit ng pulis. Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.