3 kabataan patay, 1 sugatan sa aksidente sa Surigao

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2016 01:30 AM

Dinala sa ospital sina Lito Macaping, Alounalyn Aboy, Joan Maique, at Kristia Camille Estrada, matapos mabangga ang sinasakyang motorsiklo sa isang trak sa lungsod ng Surigao. Photo courtesy of Dhonmars Sy

SURIGAO CITY – Patay ang tatlong menor de edad, habang nasa kritikal na kondisyon naman ang isa pa nilang kasama nang mabangga ang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na trak sa Sitio Bioborjan, Barangay Rizal, sa lungsod ng Surigao, Miyerkules ng umaga.

Idineklarang dead on arrival si Lito Macaping, 15, ang drayber ng motorsiklo; at namatay naman ang dalawa nitong kasamang sina Alounalyn Aboy, 15; at Joan Maique, 15; nang madala sa ospital. 

Binabantayan ngayon ng mga doktor ang isa pa nilang kasamahang si Kristia Camille Estrada, 14, na nagtamo ng sugat sa ulo.

Galing sa paaralan ang mga bata nang sila ay maaksidente.

Ayon sa paunang ulat ng mga imbestigador, pinaniniwalaang nawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo si Macaping, kaya’t nasakop nito ang linya ng kasalubong na canter truck.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police Surigao ang drayber ng trak na si Charlito Tere, habang ipinagpapatuloy ng mga pulis ang kanilang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.