MTPB, MMDA, nagsagawa ng clearing ops sa Recto

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 12:07 PM

Binulabog nitong Miyerkoles ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang Recto Avenue at ilang kalapit na kalsada sa Maynila upang magsagawa ng biglaang clearing operations.

Alas-6 ng umaga nang simulan ng MTPB na harangin ang mga tricycle o kuliglig na bumabaybay sa daanan dahil sa paglabag sa mga ipinapatupad na ordinansa ng lungsod.

Karamihan umano sa mga sidecar na dinakip ay walang lisensiya at permit mula sa city hall.

Hinuli rin ang mga namamasadang walang kinabibilangang toda.

Hindi ikinatuwa ng mga driver ang isinagawa ng MTPB dahil naperhuwisyo umano ang kanilang mga operasyon.

Ang ilan ay tumakas habang ang iba'y matapang na hinarap at nangatuwiran sa mga tauhan ng MTPB.

Si Eddy Bakal, isang senior citizen, nagalit dahil may ihahatid umano siyang pasyente sa ospital nang harangin.

Istorbo naman umano ang clearing operations para kina Selso Perez, isang nangangalakal ng karne, at Eduardo Retarino, isang delivery boy. 

Nangangamba kasi silang mapanis ang mga dalang panindang gulay at lamang baboy.

Nagulat sila dahil mahigit 10 taon na umano nilang binabaybay ang Recto subalit ngayon lang may nanghuli sa kanila.

Pinagmulta ng P500 ang mga nahuling bumabaybay sa Recto habang dinala sa impounding area sa Malate ang mga nahuling kulang ang papeles.

Nangako ang MTPB na ibabalik nila ang mga nakumpiskang tricycle basta makumpleto ng mga driver ang mga papeles gaya ng lisensya, plaka ng toda at rehistro mula sa munisipyo.

Samantala, nagkasa naman ang MMDA ng clearing operations sa mga kalapit na kalsada ng Masangkay, Mayhaligue at Dagupan.

Sa kanilang pagsuyod sa mga kalye, pinaghahatak ang mga kotse, pedicab, tricycle at motorsiklong ilegal na nakaparada.

Tinanggal din lahat ng mga nakaharang sa daan, gaya ng mga lamesa, barikada at maliliit na mga tindahan na nasa kariton.

Ayon kay Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, ikinasa nila ang operasyon dahil sa mga sumbong na natanggap nila ukol sa pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Asahan aniya ang tuloy-tuloy na mga clearing operation habang papalit ang Pasko.

Dadalhin sa towing at impounding area ng MMDA sa Pasig ang lahat ng mga nahatak na sasakyan.

-- Ulat nina Lyza Aquino at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.