Mocha, 'Thinking Pinoy', pinaalalahanan sa pagiging gov't worker

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 07:21 PM

• Uson at Nieto, sinabihang di na lang sila basta bloggers 
• Mga tagapagsalita ng nakaraang administrasyon, itinangging may kinalaman sa "Silent No More"
• Uson, titimbangin ang pagpapa-review ng social media posts
• ABS-CBN News, inilatag ang proseso sa pagtatama sa balita

Mahigit limang oras tumagal ang pagdinig ng komite ng Senado tungkol sa isyu ng fake news o pekeng balita. 

Nagharap-harap ang mga sinasabing 'digital influencer' at mga senador na biktima rin umano ng fake news. 

Kabilang sa mga dumalo sina dating Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, dating Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte at ang ngayo'y Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary na si Mocha Uson.

Sa pagdinig, nagpahayag ang maraming senador ng pagkabahala sa paglaganap ng fake news at nga maling impormasyon lalo na sa social media.

Lumabas sa pagdinig na walang ahensiya sa gobyerno ang nakatutok lang sa fake news.

Maraming nakapunang dumadalas ang pagkakataong ang mga maling impormasyon ay galing mismo sa mga opisyal ng gobyerno.

Nagsalita rin sa pagdinig ang ilang imbitadong bloggers katulad ni RJ Nieto ng "Thinking Pinoy" na nagsabing maaaring may kinalaman si dating Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa isang blog na nagdiin noon kay dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa Mamasapano incident.

Itianggi naman ito ni Lacierda at sinabing malisyoso ang alegasyon ng blogger.

Itinanggi rin nina Lacierda at Valte na bahagi rin sila ng blog na "Silent No More" na siyang naglabas ng kontrobersiyal na post laban sa mga senador na hindi nakapirma sa resolusyon na kumokondena sa extrajudicial killings.

Nagbabala naman ang mga senador lalo na kay Nieto na bilang consultant ng Department of Foreign Affairs, sakop siya ng Code of Conduct and Ethical Standards for public employees and officials.

Ginisa naman ang mga nagpakilalang 'digital influencer' dahil sa umano'y pagiging source ng fake news.

Nadiin din si Uson ni Senador Bam Aquino dahil sa posts ni Uson kontra kay Aquino at sa Liberal Party, at ang hindi pagkuha ng panig nila sa kada blog post ni Uson.

Nanindigan naman si Uson na blogger siya at hindi journalist at hindi niya tungkuling kumuha ng panig ng mga pinapatamaan niya sa post.

Si Senador Antonio Trillanes IV, ginisa rin si Nieto dahil sa umano'y blogs nito lalo na ang isa umano'y insensitive post laban kay Senador Leila de Lima.

Tila sinermonan din ni Trillanes si Uson.

Sinabihan ng senador si Uson na bilang assistant secretary, senior government official siya at hindi lang ordinaryong blogger na maaaring magpapahayag ng personal na opinyon.

Nirekomenda ni Trillanes na kung maaring may mag-review muna ng kaniyang post bago ito isapubliko.

Maaari aniyang depensahan ni Uson ang Pangulo, o ipaliwanag ang mga polisiya ng administrasyon pero iwasan na sana niya ang "hate" posts.

Tugon naman ni Uson, ikokonsidera niya ang payo ng Senador kung ito ay sa ikakabuti ng bansa.

Magtatakda pa ng susunod na petsa ng pagdinig kung saan iimbitahan ang isa pang blogger na si Cocoy Dayao na umano'y nasa likod ng websites na naglalaman ng umano'y fake news.

Proseso ng pagtatama

May mga mekanismo ang ABS-CBN News para maitama ang mga nailalabas na maling balita.

Ito ang iginiit ni ABS-CBN News and Current Affairs Standard and Practices Head Mariquit Almario Gonzalez sa pagdinig ng Senado.

Sinabi ni Gonzalez na may self-regulatory mechanisms ang kompanya tulad na lang ng ginawa nito sa alegasyon ni Uson na biktima siya ng fake news ng ABS-CBN.

Ayon kay Gonzalez, itinama ng ABS-CBN ang ulat ng reporter tungkol sa umano'y pagtatalaga kay Uson bilang consultant ng Bureau of Customs.

Pero agad ding inilabas ng ABS-CBN ang pahayag ni Uson tungkol dito matapos siyang maglabas ng official statement sa kaniyang Facebook account.

Paliwanag ni Gonzalez: "If we make a mistake, we will always correct it through however format that we do, that we have. And I think particulary for this lang, doon sa initial questioning ko, ma'am, I think the reporter quoted [then Customs] Commissioner [Nicanor] Faeldon. He was the one who said that Ms. Mocha Uson was going to be appointed, and then yes, it was wrong. And then I think you [Uson] gave a statement in your Facebook account and we published that it was a wrong information and we corrected it with that statement so that's how we handled that situtation."

-- May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.