Medical staff na rumesponde kay 'Atio,' nagbigay ng salaysay

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 09:12 PM

MANILA - Nagtungo sa Manila Police District (MPD) headquarters Miyerkoles ang medical staff ng Chinese General Hospital na rumesponde noong dinala ang hazing victim na si Horacio "Atio" Castillo III sa ospital noong Setyembre 17.

Humarap sa MPD Homicide Division ang mga resident doctor, nars, at janitor na tumangging pangalanan kasama ang abogado ng ospital na si Camilo Cabero Jr.

Ayon sa salaysay ng lalaking nurse, kusa siyang nagtungo sa MPD para makapagbigay ng salaysay na makakatulong sa pag-resolba sa kaso ni Castillo.

Namatay si Castillo, isang estudyante ng University of Santo Tomas, matapos atakihin sa puso dahil sa matinding hirap na dinanas sa hazing diumano ng Aegis Jvris Fraternity.

Sa dalawang pahinang salaysay ng lalaking nars, sinabi niya na siya ang naka-duty sa emergency room nang dalhin si Castillo sa ospital Linggo ng umaga na iyon.

Bandang alas-9 ng umaga nang lapitan daw siya ni John Paul Solano, isa sa mga miyembro ng Aegis Jvris fraternity na isa sa mga primary suspects sa kaso, at tinanong kung may mangyayari daw ba sa kaniya kapag nagdala siya ng pasyente.

Sinagot naman raw niya ito ng: "Sir, made-detain ka po kasi kayo nagdala sa pasyente at custody na niyo siya."

Tumugon naman daw si Solano ng: "Ay ganun po ba? Kahit hindi ko siya kilala at tinulungan ko na po siya?"

Kuwento ng lalaking nars, tinanong niya si Solano kung saan nito natagpuan ang pasyente at sinagot na nakita niya ito sa may tulay ng Balut, Tondo dahil naghahanap umano siya ng sigarilyo.

Doon na rin aniya sinabi ni Solano kung maaring silipin ng nars ang pasyente sa parking lot, kaya pinuntahan niya ito.

Inabisuhan na rin ng lalaking nars ang 2 pa niyang kasamahan na magtungo na rin sa parking lot. 

Paglapit nila umano sa pulang Strada na pick-up, nakita nila sa likuran ng driver's seat si Castillo at pinulsuhan.

Wala na umanong pulso si Castillo nang pakiramdaman ito sa leeg.

Pagkatapos nito, sinabi ng babaeng nars na dalhin ang sasakyan malapit sa Emergency Room para malapatan ng lunas si Castillo.

Sinilip ng doktor ang kalagayan ni Castillo at matapos ang 20 minuto ng pag-resuscitate ay hindi na naisalba ang estudyante.

Sa salaysay ng doktor, sinabi nito na wala siyang narinig o naramdamang pulso nang pulsuhan niya si Castillo.

Nagsagawa daw siya ng Cardio Pulmonary Resuscitation (CPR) at sinaksakan ng gamot na epinephrine para raw ito sa pag-revive at pagtibok ng puso ng pasyente.

Matapos ang resuscitation, doon niya napansin na nakasuot ng t-shirt na may nakasulat na "UST Political Science" si Castillo.

Matapos noon, tinaas niya ang mangas sa magkabilang braso kung saan nakita niya na may mga hematoma at pasa ito.

Dagdag pa ng doktor, may mga bakas din ng tumigas na patak ng kandila sa katawan ni Castillo. Nakasaad umano sa kanilang record na alas-9:21 ng umaga namatay si Castillo.

Sabi pa ng doktor, sinabi ni Solano sa kaniya na alas-7:20 ng umaga raw niya natagpuan ang katawan ni Castillo bago dinala sa ospital.

Umalis na rin diumano si Solano at saka dumating ang isang itim na Fortuner, ani ng lalaking nars.

Ipinakita rin ng pulisya ang mga larawan ng mga miyembro ng Aegis Jvris fraternity kung saan positibong itinuro ng lalaking nars ang larawan ni Solano na siyang nagdala kay Castillo sa ospital.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Solano na natagpuan lamang niya si Castillo sa bangketa at dinala sa ospital. Binawi niya ang pahayag na ito at inaming ipinatawag siya ng mga "brod" sa fraternity nang naghihingalo na si Castillo matapos ang dinanas na hirap sa hazing. 

Kinasuhan na ng pamilya Castillo si Solano at 17 iba pa kaugnay sa pagkamatay nito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.