Hanggang P12.5 milyon, alok na pautang sa mga imbentor

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 10:02 PM | Updated as of Oct 05 2017 04:03 AM

Inilunsad ang bagong lending program na may mas mababang interes para sa Pinoy inventors.

Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), hindi pahuhuli ang mga Pinoy pagdating sa imbensiyon pero wala silang puhunan para i-manufacture at ibenta sa mga pamilihan ang kanilang produkto. 

Dahil dito, inilunsad ng ahensiya at Land Bank of the Philippines ang Innovation and Technology Lending Program (I-TECH) kung saan maaari nang mangutang ang authorized inventors para matulungang makarating sa merkado ang kanilang mga imbensiyon.

Nasa 5% lang ang interes ng loan kada taon at hanggang P12.5 milyon ang puwedeng utangin na maaaring gamitin bilang kapital o pambili ng materyales para sa produksiyon ng imbensiyon.

Maaaring kumuha ng loan assistance ang mga Pinoy na may produkto na may patent at nakarehistro sa Intellectual Property Office ng Department of Trade and Industry, 21 anyos pataas, at may good moral character.

Kailangan ding ang imbensiyon ay hindi gaanong kumokonsumo ng fossil fuel.

Layon din nitong isulong ang Philippine exports. 

Umaasa ang DOST na sa pamamagitan ng programang ito, mabawasan ang mga balakid para maibenta at mapakinabangan din ng iba ang gawa ng mga Pinoy inventor. 

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.