Comelec, pinapatigil na ang preparasyon para sa iniurong na eleksyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 01:28 PM | Updated as of Oct 05 2017 03:57 AM

Tinanggap ng Commission on Elections (Comelec) ang muling pagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakda sanang idaos sa darating na Oktubre 23.

Ito'y matapos pirmahan nitong Miyerkoles ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10952 na pinahihintulutan ang pag-urong sa barangay elections sa ikalawang Lunes ng Mayo 2018. 

"The Comelec welcomes the news that the President has just signed the law postponing the Barangay and Sangguniang Kabataan Elections," ani James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec.

Sa ilalim din ng batas, itatakda na ang barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng Mayo simula taong 2020. 

Ito na rin ang susunding petsa sa mga susunod na halalan pagkalipas ng tatlong taong termino ng mga opisyal ng barangay.

Mananatili muna sa puwesto ang mga kasalukuyang opisyal hanggang sa mahalal ang mga papalit sa kanila sa Mayo 2018, ayon sa batas.

Maglalaan din ng P6.09 bilyon bilang continuing appropriations para sa pagdaos ng eleksyon sa Mayo.

Nagbigay na rin ng abiso ang Comelec sa mga katuwang nilang ahensiya na itigil muna ang mga aktibidad na may kaugnayan sa halalan.

Nakatakdang maglabas ng guidelines ang Comelec para sa gagawing paghahanda naman sa 2018 barangay at SK elections.

Ito na ang ikalawang pagkakataong naantala ang barangay at SK elections. 

Ngayong hindi na tuloy ang halalan, tigil na rin ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa gun ban.

Ayon sa PNP, sinimulan nilang manghuli nang ipatupad ang gun ban nitong Oktubre 1 nang hindi pa napipirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 10952.

Mula nang ipatupad ang gun ban, 52 na ang naaresto.

Pinakamaraming naaresto sa National Capital Region kung saan 12 ang nahuling lumabag sa gun ban.

Umabot naman sa 47 na baril ang nakumpiska, habang 296 ang mga nasamsam na "dangerous materials" tulad ng mga granada at iba pang pampasabog.

Ipauubaya naman ng PNP sa korte ang pagdedesiyon kung ano'ng mangyayari sa mga naaresto bago binawi ang gun ban.

-- May ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.