2 suspek sa pagpatay ng konsehal, anak tiklo sa Puerto Galera

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 08:51 AM

MANILA - Naaresto ng pulisya ngayong Miyerkoles ang 2 suspek sa pagpatay kay Puerto Galera Councilor Melchor Arago ng Mindoro at kanyang 15 taong gulang na anak.

Sakay ng isang van, naharang sa checkpoint sa bayan ng San Teodoro sina Tirso Tito, 39 at Rogelio Sto. Tomas, 47 dakong ala-1 ng umaga, ayon kay Senior Superintendent Christopher Birung, hepe ng Oriental Mindoro police.

Positibo aniyang itinuro isang testigo ang dalawa na nangongolekta ng bote at scrap metal malapit sa lugar ng krimen.

Kapwa residente ng Lipa City, Batangas sina Tito at Sto. Tomas.

Matatandaang nasa loob ng kotse si Konsehal Arago sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Tabinay, Puerto Galera nang huminto ang 2 nakamotorsiklong suspek at paputukan siya.

Papatakas na sana ang mga gunman nang lumabas ng bahay ang anak si Arago na si Kenneth, dahilan para barilin din siya.

Dead on the spot ang mag-ama dahil sa dami ng tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan. Ulat ni Noel Alamar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.