2 hinihinalang pusher, huli sa loob ng motel sa QC

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 03:59 AM

Kalaboso ang dalawang umano’y tulak ng illegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City Martes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Mark Cudia, 26, at Rose Ann Lotero, 25, na nahulihan ng siyam na sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Chief Insp. Mario Manipon, dalawang buwan nang minamanmanan ang mga kilos ng mga suspek na napag-alamang nagbebenta ng droga sa kanilang mga customers sa loob ng mga motel at apartelle.

“Takot na sila sa lansangan. Nag-iba na sila ng style,” ayon kay Manipon, deputy station commander ng Cubao Police Station.

Matapos matyempuhan ang mga suspek kagabi sa loob ng isang motel sa kanto ng St. Mary at New York St., agad na nagkasa ng buy-bust operation ang Cubao Police Station sa pangunguna ni Senior Insp. Ramon Akyatan.

Nakipagtransaksyon ang isang poseur buyer sa dalawang suspek sa pamamagitan ng cellphone ukol sa pagbili nito ng isang sachet na hinihinalang shabu.

Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Nagbabala si Manipon sa mga may-ari ng mga motel at apartelle na suriin ng maayos ang kanilang mga parokyano para hindi magamit ang kanilang mga lugar sa ilegal na gawain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.