18 anyos, patay sa pamamaril sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 12:14 PM

Patay ang isang 18-anyos na binata matapos baralin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Muntinlupa nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Bandang ala-1 nang matagpuang patay si Jason Nazareno, isang third-year high school student, sa New Compound, NBP Reservation.

Ayon sa testigong is alyas "Joel," sakay si Nazareno ng motorsiklo nang habulin ito ng isa pang nakamotorsiklo bago tuluyang patayin.

Tinamaan sa likod ang angkas ni Nazareno na si Ricky Leuterio.

Ayon sa ilang residente, nakatakbo ang 18-anyos na si Leuterio.

Hinala ng mga magulang ni Nazareno na si Leuterio, na dati umanong gumagamit ng droga, ang tunay na target ng namaril.

Kasalukuyang ginagamot sa Muntinlupa City Medical Hospital si Leuterio.

Inaalam pa ng pulis ang motibo sa pamamaril.

-- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.