Lupain ng mga Espinosa, gagawing rehab center

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2016 09:07 PM

LEYTE - Nakatakdang ibigay sa gobyerno ang isa sa mga lupain ng mga Espinosa sa Albuera, Leyte.

Ayon kay Chief Inspector Jovie Espenido, hepe ng Albuera Police, mismong si Mayor Rolando Espinosa Sr. ang nagsabi sa kanya na ibibigay sa gobyerno ang isa sa mga lupain nila sa Sitio Tinago, Barangay Benolho sa Albuera para gawing drug rehabilitation center.

Ang lupain ay kung saan dating nakalagay ang mga sawa ni Kerwin Espinosa. May bahay rin sa lupaing ito na napapalibutan ng pader. Dito rin nakalagay dati ang ilang billiards table, jetski, at iba pang mga kagamitan.

Sa ngayon, hinihintay na lamang ang mga dokumento para maging pormal na ang donasyon ng nasabing property.

Nauna nang na-inspeksiyon ng Parole and Probation Administration ang nasabing lugar, kung saan kinumpirma nilang akma ang lugar na ito upang maging isang rehabilitation center.

Nakikipagtulungan na rin ang Albuera Police sa Department of Health (DOH) at sa Department of Agriculture (DA) para na rin sa planong ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.