Lolong nasa drug watch list, pinagbabaril habang natutulog sa tabi ng apo

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2016 09:24 AM | Updated as of Oct 04 2016 11:40 AM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang natutulog sa tabi ng kanyang siyam na taong gulang na apo sa Barangay San Agustin, Malabon Lunes.

Nakilala ang biktimang si Bernard Dela Cruz, 49 anyos. Kasama siya sa drugs watchlist ng barangay at binisita kamakailan ng mga awtoridad sa ilalim ng Oplan Tokhang.

Kwento ng anak niyang si Jennifer, dakong ala-1:30 ng umaga pumasok ang dalawang lalaki sa kanilang bahay at pinagbabaril ang kanyang ama.

Tanging saksi sa insidente ang apo ng biktima habang nakarinig lang ang mga kapitbahay ng tatlong putok ng baril.

"Tinawag lang ako ng anak ko, sabi may dugo na ang lolo niya," ani Jennifer.

Aminado si Jennifer na dating drug user ang ama, pero giit niya, nasa 10 tao na mula nang itigil nito ang bisyo. Pangunguha na lang anya ng bulate ang pinagkakaabalahan nito.

Iniimbestigahan na ng pulisya kung sino ang responsable at ano ang motibo sa pamamaril.