Pulis sa pagkamatay ng nakaposas na motorista, sibak sa serbisyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 06:22 PM | Updated as of Oct 04 2017 08:25 AM

Nakaposas sa kanyang likuran ang mga kamay ng motoristang si John Dela Riarte nang arestuhin ng ilang pulis, Hulyo 2016. Larawan mula sa concerned citizen

MANILA - Tinanggal ng National Police Commission sa serbisyo ang pulis na suspek sa pagpatay sa motorcycle rider na si John Dela Riarte sa Makati noong Hulyo 2016. 

Papasok sana sa unang araw ng bagong trabaho ang 27-anyos na si Dela Riarte nang masagi niya ang isang sasakyan sa EDSA-Estrella intersection at makipagtalo umano sa driver nito. 

Sa larawang padala ng concerned citizen, makikitang nakaposas si Dela Riarte matapos damputin ng ilang kawani ng Highway Patrol Group (HPG), kabilang si PO2 Jonjie Manon-og. Pero ilang sandali lang, nanlaban umano ang motorista kaya napilitan ang mga pulis na barilin ito. 

Sa 7-pahinang desisyon na inilabas Setyembre 28, 2017, sinabi ng Napolcom na imposible ang alegasyon ng mga pulis na nang-agaw ng baril ng biktima dahil patalikod ang pagkakaposas nito. Wala rin umanong indikasyon na nasira ang posas habang sakay ng police mobile ang biktima. 

Taliwas din anila sa forensic reports ng Public Attorneys Office (PAO) at National Bureau of Investigation (NBI) ang pahayag nina 
Manon-og na 2 beses lamang binaril si Dela Riarte. 

Ayon sa NBI, 4 na tama ng bala ang tinamo ng biktima habang 5 entrance wounds naman ang lumabas sa forensic report ng PAO.

Paliwanag ng Napolcom, kung pagbabasehan ang mga tama ng bala ni Dela Riarte sa likod, sinadyang patayin ang biktima at hindi ito isang kaso ng accidental shooting o self-defense. 

Hinatulan ng Napolcom si Manon-og na guilty sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer kaugnay ng insidente. Pinatawan siya ng pinakamabigat na hatol na dismissal sa serbisyo.

Ibinasura naman ng Napolcom ang kasong administratibo laban kay PO3 Jeremiah De Villa na sinasabing bumaril kay Dela Riarte dahil sa pagpanaw ng pulis matapos mahulog mula sa isang gusali sa Camp Crame.

Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.