Pagbasa ng sakdal ni Kerwin Espinosa, itinakda sa Oktubre 20

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 05:57 PM

Hindi nasampahan ng sakdal ang self-confessed illegal drug distributor na si Kerwin Espinosa Martes ng umaga sa Maynila.

Ipinagpaliban ng Manila Regional Trial Court Branch 26 judge Silvino Pampilo Jr. sa Oktubre 20 ang arraignment nito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang trading at distribution of illegal drugs dahil sa paghain ng kanilang kampo ng motion to quash information o pagbabasura sa kaso.

Ang prosekusyon naman ay maghahain ng kanilang motion to amend information matapos na alisin ng hukom ang pangalan ng kanyang ama, si dating Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr., sa charge sheet.

Dumating si Espinosa sa korte pasado alas-8 ng umaga para sa pagdinig sa kanyang kaso. Nakasuot ito ng bulletproof vest at bantay-sarado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation habang sa labas ng korte ay nakabantay ang mga pulis.

Samantala, na-dismiss naman ang kaso ng napaslang niyang ama.

Sinabi ni Judge Pampilo na batay sa Revised Penal Code, ang bisa ng kaso ay mawawala kapag ang nasampahan ng kaso na namatay na.

Matatandaang napatay si Mayor Espinosa ng mga tauhan ni Supt. Marvin Marcos habang ito ay nakakulong. 

-- Ulat ni Raya Capulong, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.