Mga pulis kinasuhan sa pagpatay umano sa isang lola

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 01:58 PM

LEYTE - Unti-unting nabibigyang linaw ng pamilya Zosa ng Carigara, Leyte ang pagkamatay ni Lorna Zosa, 64-taong gulang na natagpuang patay sa Barangay Naghalin, Kananga, Leyte noong Agosto 11.

May tama ng bala sa ulo ni Zosa at balot ito at ang kaniyang mga kamay ng packaging tape nang matagpuan ang bangkay.

Para sa kaniyang dalawang kapatid, karumal-dumal at brutal ang pagkamatay ni Zosa.

"'Di namin inaasahan na mangyayari sa kaniya 'yun kasi ang tanda na, tapos brutal ang pagkamatay. Piniringan pa sa mga mata, may masking tape, pati ang kamay niya sa likod," ani Constantina, kapatid ni Zosa.

Aminado ang magkapatid na Constantina at Orlando na may sakit si Zosa na kleptomania, ngunit hindi nila matanggap ang hindi makataong nangyari sa kanilang kapatid.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulis na bago pa man matagpuang patay noong Agosto 11 si Zosa, nahuli muna ito sa Ormoc City dahil sa pagnanakaw ng isang cellphone noong Agosto 5.

Nang mahuli si Zosa, humingi ito ng tawad at nakiusap sa may-ari ng tindahan na babayaran na lamang ang kaniyang kinuha.

Nakita ng ilang mga saksi ang pagkahuli kay Zosa ngunit hindi ito nai-blotter sa Ormoc City Police Station 1.

Kabilang sa mga kinasuhan sina Chief Inspector Roel Cartalla, PO3 Eleazar Tero, PO2 Ernie Clemencio, at sina PO1 Richie Sy at Ryan Refuerzo.

Humarap din sa kasong arbitrary detention si Cartalla, Tero at Clemencio.

Ayon pa kay Chief Inspector Shevert Alvin Machete, hepe ng Kananga Police, mabigat ang kanilang hawak na ebidensiya laban sa mga pulis. Mayroon din umanong nakakita kung paano pinatay si Zosa.

Nananawagan naman ngayon ang pamilya ng biktima kay Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa at kay Pangulong Rodrigo Duterte na sana ay matulungan silang makamit ang hustisya para kay Zosa.

Sinubukan ng news team na makapanayam ang Director ng Ormoc City Police ngunit tumanggi itong magbigay ng pahayag.

Kinumpirma naman ng tagapagsalita ng Police Regional Office 8 na ang mga pulis na sangkot sa kaso ay isinailalim na sa restrictive custody.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.