Kerwin Espinosa, sumipot sa pagdinig hinggil sa kasong droga

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 11:00 AM

Dumating na si Kerwin Espinosa, ang tinaguriang high profile detainee, sa Regional Trial Court Branch 26 sa Maynila para harapin ang kaso nitong may kinalaman sa drug trading o pagpapakalat ng ilegal na droga sa National Bilibid Prisons at sa bahagi ng Visayas region.

Alas-8:30 ng umaga nakatakda ang pagdinig pero dumating si Espinosa 8:50 ng umaga. Nakasuot ito ng bulletproof vest at bantay-sarado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation habang sa labas ng korte ay nakabantay ang mga pulis.

Matatandaang naghain si Espinosa ng motion to suspend the hearing ng 60 days na pinaboran ng korte habang ang paglilipat ng venue sa usapin ng seguridad ay pinaboran naman ng Korte Suprema kaya nai-raffle ang kaso sa sala ni Manila RTC judge, Silvino Pampilo Jr. mula sa korte sa Baybay, Leyte.

Si Espinosa ay nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa droga, partikular na ang illegal possession of dangerous drugs at trading, distributing of dangerous drugs pati na ng illegal possession of firearms at illegal possession of explosives.

Bukod kay Espinosa, inaasahang dadalo din sa pagdinig ngayon umaga ang hepe ng Ozamiz City na si Police Chief Inspector Jovie Espenido.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.