Higit 80, huli sa 'Oplan Galugad' sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 11:52 AM

Higit 80 taong lumabag umano sa ordinansa ng lungsod ng Taguig ang nahuli ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon nitong Lunes ng gabi.

Dalawa sa mga ito ay nahulihang may dalawang droga, 35 ang menor de edad na lumabag sa curfew at 30 ang nahuling lumabag sa batas trapiko.

Dinampot din ang anim dahil walang damit na pang-itaas, pitong nag-iinuman at isang naninigarilyo sa pampublikong lugar.

Sumailalim ang 58 na nahuli sa maiksing programang pinangunahan ng kapulisan at lokal na pamahalaan.

Dumaan sila sa pag-eehersisyo at bible study.

Dumalo rin ang mga nahuli sa isang lektyur tungkol sa mga ordinansa ng lokal na pamahaalan at ilegal na droga.

Ayon kay Police Chief Inspector Matron Calyaen, isinasagawa ang iba't ibang operasyon ng mga pulis sa siyudad upang maiwasan ang krimen at paggamit sa mga kabataan bilang drug courier.

Giit pa ni Calyaen, nagawa umano nilang pababain ang bilang ng mga nahuhuli dahil sa bible study at lektyur.

Hulyo nang simulan ang mga operasyon sa siyudad.

-- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.