Fishball vendor, ninakawan ng kinupkop na dayo mula Samar

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 01:55 PM

Halos kuyugin ng mga kapitbahay ang 19-anyos na si Jonathan Cambal sa tangkang pagnanakaw nito kaninang madaling araw ng Martes. 

Bandang ala-1 ng madaling araw umano nang itakbo ni Cambal ang P1,500 na kita ng fishball vendor na si Toto Sumabay. 

Humingi ng tulong ang biktima sa mga kapitbahay at suwerte namang may nakitang pulis na agad ring rumesponde. 

Masama ang loob ni Sumabay dahil kinupkop niya at pinagtiwalaan si Cambal, na bagong salta sa Maynila galing Samar.

"Pinakain ko siya, binigyan ng trabaho, tapos nanakawan niya ako," ani Sumabay. 

Hindi naman itinanggi ng suspek ang ginawang pagnanakaw at humungi na lang ng tawad sa dating amo. 

Dinala si Cambal sa Novaliches Police Station. Plano siyang kasuhan ng theft.

Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.