Dating adik patay matapos palibutan, pagbabarilin ng 7 gunmen

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 09:00 AM

MAYNILA - Patay nang pagbabarilin ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo sa Tondo ang isang welder na dati umanong gumagamit ng ilegal na droga.

Dead on the spot ang biktimang si Aldrin Castillo na ayon sa kanyang mga kamag-anak ay matagal nang tumigil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

"Bawat iutos mo diyan, gagawin niya. Mabait naman 'yan. Di naman perwisyo sa tao," kuwento ng kanyang tiyahin na si Vicky Lacsamana.

Ayon sa mga saksi sa krimen, pauwi na galing inuman si Castillo nang paikot-ikutan ng may 7 lalaking nakasakay sa mga motorsiklo sa kanto ng Herbosa at Tioco Street sa Barangay 91 nitong Lunes, ilang minuto bago ang hatinggabi. 

"Inikot-ikutan pa tapos humiga na. Inikot ikutan daw siya. Binaril pa, nakahiga na. Parang baboy naman di ba," sabi ni Lacsamana, batay sa mga kuwento sa kanya ng mga saksi.

Halong lungkot at galit naman ang nararamdaman ng ina ng biktima. Isinisi niya ang insidente sa war on drugs ng administrasyon. 

"Bakit ganun? Bakit ganon patay kaagad? Bakit 'yang mga p****g i***g mayayaman na 'yan hindi pinapatay? 'Yung mga Intsik na nagpapasok ng droga rito hindi pinapatay?" ani Aling Nanette.

"Duterte, pakinggan mo 'tong sinasabi ko. Bakit 'yung mga Chinese na nagpapasok ng droga rito, VIP turing nyo? Bakit pag mahihirap... patay agad, wala pa kayong ebidensiya," dagdag pa niya.

May CCTV ang barangay na nakatutok sa mismong pinangyarihan ng krimen pero ayon sa mga opisyal doon, nasira na ito ilang oras bago ang insidente ng pamamaril. 

Narekober naman ng mga awtoridad sa insidente ang 5 basyo ng kalibre .45 na baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.