Dalagitang shoplifter, arestado sa Dipolog

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 12:47 PM

Kalaboso ang 20-anyos na dalagita matapos umanong magnakaw ng ilang pantalon at blouse sa isang department store sa Dipolog City. 

Bitbit ng suspek na si Michelle Taata ang kaniyang mga ninakaw, na kunwari pa ay magsusukat sa loob ng fitting room. 
 
Ayon sa chief security ng Lee Plaza City Central na si Apolonio Acopiado, nakita ng kaniyang gwardiya na may dalang mga damit ang suspek papasok ng fitting room, ngunit wala na itong isinauli matapos lumabas sa pagsusukat. 

Nagtagal din daw ang suspek sa fitting room. 

Mahigit P3,000 daw ang halaga ng ninakaw ni Taata. 

Sa imbestigasyon, modus daw ng suspek na bayaran ang mga naunang napili na damit. Pagkatapos nito ay muli siyang babalik at saka na isusupot kasama ng mga nabayarang item ang kaniyang mga ninakaw. 

Itinanggi naman ng suspek ang mga alegasyon laban sa kanya.

Ayon dito, napasama lamang na mailagay sa supot ang mga sinukat niyang damit dahil sa pagmamadali nitong makauwi. 

Kakasuhan ng pagnanakaw ang suspek pero pwede itong makalaya kung mababayaran ang P30,000 na hinihingi ng department store. 

-- Ulat ni Dynah Diestro

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.