Bato, tinawag na 'walang utang na loob' ang mga kritiko ng drug war

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 09:24 PM | Updated as of Oct 04 2017 03:20 AM

Tahasang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa na "ingrato" ang mga kritiko nila dahil nakikinabang din umano ang mga ito sa "mas payapang" kapaligiran dulot ng giyera laban sa droga. 

"Prangka lang ako. You can criticize us to high heavens but I can tell you straight sa inyong mga mata, 'yung mga critic, sabihan ko kayo, ingrato kayo. Alam ko nakikinabang din kayo sa peace and order na idinulot ng war on drugs," saad ni Dela Rosa.

Ito ay kasunod ng paglabas ng Social Weather Station (SWS) survey na ginawa mula June 23 hanggang 26 na nagsabing lagpas kalahati ng mga Pilipino ang naniniwalang mahihirap ang napapaslang ng pulisya sa war on drugs. 

Hindi naman itinanggi ni Dela Rosa na may katotohanan ang nasabing resulta ng survey. 

"Totoo naman talaga na panay mahihirap dahil karamihan na involved sa drug pushing ay mahihirap. Three out of five, most likely, kasi sa mga nagda-drug pushing, tatlo diyan mahihirap, dalawa ang mayayaman," ani Dela Rosa. 

Pero depensa niya, tina-target din nila ang mga maiimpluwensiyang pamilya na hinihinalang konektado sa droga gaya nina dating Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr. at dating Ozamiz City mayor Reynaldo Parojinog Sr., na parehong napatay sa operasyon ng PNP. 

"Mahirap ba si Parojinog? Si Mayor Espinosa? Hindi naman...Ibig sabihin tinitira natin sa baba ang street pushing. Mas maraming mahihirap talaga ang matatamaan. Di natin pwedeng pabayaan yan," giit ni Dela Rosa. 

Sinisi naman ni Dela Rosa ang media dahil sa panay na negatibong balita na inilalabas kaugnay ng war on drugs. 

Makaraan lamang ang isang linggo, naglabas din ang SWS ng survey na nagsabing mas maraming Pilipino ang duda na nanlalaban talaga ang mga napapatay na drug suspects. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.