Alyas 'Palos' timbog sa buy-bust sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 09:01 AM | Updated as of Oct 03 2017 09:46 AM

Si alyas 'Palos' matapos maaresto ng mga awtoridad. Vivienne Gulla, ABS-CBN News

MAYNILA - Nahuli ng pulisya sa buy-bust operation ang umano'y notoryus na drug pusher sa Barangay Pansol, Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Rolando Gutib na dahil sa umano'y "dulas" nito ay binansagang alyas "Dong Palos."

Ayon sa mga awtoridad, sa isang sasakyan iniabot ni Gutib ang ilegal na droga sa nagpapanggap na buyer.

Paglabas nito mula sa sasakyan, agad itong hinuli ng mga nakaantabay na pulis.

Narekober mula kay Gutib ang ilang gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng higit P100,000.

Nakuha rin sa kanya ang P1,000 marked money at kalibre .38 baril na may limang bala. 

Umamin si Gutib sa pagbebenta ng ilegal na droga pero nang dumating ang mga kamag-anak niya nag-iba ang ihip ng hangin.

Naging emosyonal si Gutib at biglang itinangging kanya ang nakuhang ilegal na droga. 

Pero nang tanungin na siya kung ano ang ginagawa niya sa sasakyan na nakunan pa ng video, hindi na ito makasagot.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.