6 patay, 28 sugatan sa salpukan ng 2 van sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 12:59 PM

Anim ang patay habang 28 ang sugatan matapos magsalpukan ang dalawang pampasaherong van sa Amulung, Cagayan noong Lunes, Oktubre 2.

Pasado alas-10 ng umaga, papunta sanang Baggao ang van na minamaneho ni Rostum Bartolome nang pumutok ang gulong nito sa likod.

Bunga nito, nawalan ng kontrol sa manibela si Bartolome at sumalpok sa isa pang van na papuntang Tuguegarao.

Sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Monte Alegre nangyari ang insidente.

Dead on arrival sa ospital ang apat na pasahero samantalang dalawa ang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Agad na naitakbo sa pagamutan sa Tuguegarao City ang 28 sugatan.

Siksikan

Kuwento ng isa sa mga nakaligtas, siksikan daw sila sa loob ng sasakyan.

Sinabihan umano nila ang dispatcher sa terminal subalit pumayag pa rin itong bumiyahe ang van.

Kinumpirma ng pulisya na 24 ang sakay ng van nang mangyari ang aksidente kahit 18 na pasahero lang ang kapasidad.

Tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibilidad na maaaring matulin ang takbo ng nagmamaneho.

Naiuwi na sa mga bayan ng Alcala at Baggao ang bangkay ng mga biktima habang nakaratay pa sa ospital ang mga pasiyenteng malubha ang kalagayan.

-- Ulat ni Annie Pasion, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.