4 patay sa salpukan ng 2 motorsiklo sa Sarangani

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 09:53 AM

Apat na katao ang nasawi, kabilang na ang dalawang menor-de-edad, sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa Sarangani Province.

Sa video na kuha ng Bayan Patroller na si Faith Nueva, pinagkaguluhan ng mga residente at motorists ang apat na lalaking duguang nakahandusay sa national highway, Barangay Malalag Cogon sa Malungon, Sarangani province kahapon.

Sinubukan pang isugod sa ospital ang mga biktima pero bigo nang makarating ng buhay. Nakilala ang mga nasawi na sina Mharly Lumapas, 14-taong gulang, Arnel Matango, 17, Arnel Yata, 20 at Rogelio Tiano, 58. 

Sugatan naman sa aksidente si Roderick Escala na dinala sa Davao Medical Center.

Ayon sa ilang nakakita, tumilapon ang mga biktima matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklong sinasakyan nila.

Napaiyak na lang si Leah Lumapas nang malaman na ang isa sa mga nasawi ay ang nag-iisang anak na si Mharly. Grade 8 student si Mharly at pangarap sanang maging isang pulis.

Pilit din tinatanggap ni Adelaida Matango ang pagkamatay ng anak na si Matango.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, parehong binabaybay ng dalawang motorsiklo ang national highway sa Malalag Cogon Linggo ng hapon.

Nasa magkabilang direksiyon ang dalawang motorsiklo. Patungong Davao ang minamanehong motorsiklo ni Matango sakay ang mga kaibigang sina Lumapas at Escala. Papunta naman sa direksyon ng General Santos ang motorsiklong minamaneho ni Yata at backrider na si Tiana.

Nag-overtake umano sa isang bus sina Yata at nakasalpukan ang sinasakyang motor nina Matango. Sa tindi ng impact, nagtamo ng head injuries ang mga biktima na agad nilang ikinamatay. 
Wasak din ang unahang bahagi ng dalawang motorsiklo.

Paalala naman ng pulisya sa mga motorista na maging maingat sa daan. Huwag din na pagmanehohin ang wala pa sa wastong edad at walang lisensiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.