3 Chinese nationals, arestado sa umano'y kaso ng kidnapping

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 06:32 PM

CALAMBA CITY - Arestado ang tatlong Chinese nationals dahil sa umano'y pagdukot sa isang Malaysian.

Sa kulungan ang bagsak nina Su Sheng Fu, Yu Guang Dong at Chen Wen na magkakasabwat umano sa pagdukot sa biktima.

Ayon sa mga pulis, Sabado ng gabi nang matanggap nila ang report tungkol sa isa umanong kahina-hinalang sasakyang nakaparada sa Barangay Puting Lupa sa Calamba City.

"So ito pong barangay kapitan po natin at tanod, nilapitan 'yung sasakyan at kinatok po nila. Pagkakatok po nila ay bigla na lang pong umalis," ani Police Senior Inspector Evangeline Lantican.

Agad ding namataan ang naturang sasakyan habang nagsasagawa ng "Oplan Sita" ang mga pulis. 

Sa kanilang pagsisiyasat, nakita sa loob ng sasakyan ang isang Malaysian national na nakaposas ang mga kamay at paa. Mayroon rin itong mga sugat sa ulo.

Base sa imbestigasyon, sinasabing dinukot ang biktima sa harap ng isang condominium sa Makati City nitong Biyernes.

Inaalam pa ng Calamba Police ang kaugnayan ng mga suspek sa biktima.

Ngayong Martes nakatakdang isalang sa inquest proceedings ang tatlong arestadong Chinese na nahaharap sa kasong kidnapping.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.