3-anyos na bata, patay sa pagsabog sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 06:28 PM

DIMATALING, Zamboanga del Sur - Isang 3-taong gulang na batang lalaki ang namatay at isa pa ang sugatan matapos ang pagsabog sa barangay Poblacion, Lunes ng hapon.

Agad na ikinamatay ng isang bata ang pagsabog, habang dinala sa ospital ang isa pang 'di pinangalanang menor matapos nitong magtamo ng ilang sugat dahil sa shrapnel.

Ayon kay PO1 Iresidel Osayan, natagpuan ng 2 bata ang improvised explosive device (IED) sa labas ng bayan ng kanilang tiyahin.

Ayon sa mga imbestigador, dinala ng mga bata ang pampasabog sa silong ng isang bahay kung saan nila ito pinaglaruan.

Maaaring pinukpok ng bato ng mga bata ang IED kaya ito sumabog, paliwanag ni Osayan.

Saad ng mga awtoridad, abala ang may-ari ng bahay sa pagtatabas ng mga kawayan ilang metro mula sa pinangyarihan ng insidente kaya hindi nito namalayan na pinaglalaruan na ng mga bata ang IED.

Inaalam pa ng mga pulis kung anong klase ng pampasabog ang napaglaruan ng mga bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.