11 nahuling lumabag sa gun ban sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 12:53 PM

Nasa 11 ang nahuling lumabag sa ipinatupad na gun ban ng Commission on Elections (Comelec) sa Quezon City noong gabi ng Lunes, Oktubre 2.

Ikinasa ng Comelec ang gun ban at mga checkpoint sa buong bansa simula noong Linggo, Oktubre 1 bilang paghahanda sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sa Oktubre 23. 

Tatagal ang ban hanggang Oktubre 30.

Sa Batasan Road, karamihan sa mga ipinara upang inspeksiyunin ang mga nakasakay sa motorsiklo. 

Ayon kay Police Senior Inspector Francisco Luceña, layunin din ng mga checkpoints na hulihin ang mga kriminal na "riding-in-tandem."

Matatandaang nahuli sa Rodriguez, Rizal noong unang araw ng gun ban ang dalawang hinihinalang "riding-in-tandem."

Paalala naman ni Guillermo Eleazar, hepe ng Quezon City Police District, batay dapat sa "plain view doctrine" ang pagsusuri para sa mga baril.

Ibig sabihin, hindi na kailangang pababain pa ang mga pasahero upang kapkapan maliban na lang kung may mapansin ang pulis na kahina-hinala.

Maituturing bilang isang election offense ang paglabag sa gun ban, ayon sa Comelec.

Parurusahan ang sinumang lumabag sa gun ban ng pagkakakulong na hindi bababa sa isang taon at hindi lalagpas sa anim na taon.

-- Ulat ni Vivienne Guilla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.