Appliance warehouse sa QC, nasunog

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2016 03:21 PM

QUEZON CITY-- Sumiklab ang sunog sa isang warehouse at assembly area ng mga electronic parts sa Barangay Teresita, Lunes ng umaga.

Nasunog ang dalawang palapag na gusali ng isang kumpanya na bumubuo ng electronic appliances. 

Nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng gusali. Sinubukan apulahin ng mga security guard ang apoy ngunit mabilis na kumalat ang pagliyab.

Umabot sa 38 truck ng bumbero ang naunang sumugod sa barangay para apulahin ang sunog na itinaas sa ikalimang alarma.

Walang ibang tao sa gusali ng mga oras na yun bukod sa mga gwardya dahil alas otso pa ang pasok ng mga empleyado.

Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) fire marshall Jesus Fernandez, mataas ang firewall ng gusali kaya confined ang naganap na sunog.

"Iimbitahin natin ang supervisor na isa sa mga nakakita para mabigyang linaw ang nangyaring sunog," ani Fernandez.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng apoy.

--with reports from Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.