'Shabu Queen' ng Bulacan, nahuli sa SUV na may sticker ng PNP

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2017 11:54 PM

Arestado ang itinuturing na high-value target ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa San Rafael, Bulacan.

Nahuli ng pulisya si Beverly Cruz, alyas "Pingping", na binansagang "shabu queen" ng Bulacan.

Sa video ng kuha ng pulisya, sakay ng isang SUV si Cruz.

Lumapit sa SUV ang pulis na nagpanggap bilang mamimili pero tila nakatunog si Cruz at pinaandar ang sasakyan. 

Pero nakasampa ang pulis kaya tuluyan siyang inaresto. 

Nakuha kay Cruz ang buy-bust money at isang baril.

Nasabat din ng pulisya ang mga sachet ng shabu na tinatayang nasa halagang P85,000.

Palaisipan naman sa mga pulis kung saan nakuha ng suspek ang sticker ng Philippine National Police na nakakabit sa likod ng SUV ng suspek. 

Taong 2004 pa umano nagtutulak ng shabu si Cruz sa mga lugar ng Baliwag, Malolos, Plaridel at Pulilan sa Bulacan.

Modus din umano ng suspek na ihalo ang bigas sa mga ibinebentang shabu.

Tumanggi naman ang suspek sa mga paratang laban sa kaniya. 

Natukoy na rin ng pulisya ang lima pang personalidad na binabagsakan ni Cruz ng ilegal na droga.

Iniimbestigahan naman kung may protektor na pulis ang suspek.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.