Sasakyan ng barangay, ipinanghakot ng kagawad para sa mga gamit sa ipinapagawang bahay

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2017 10:29 PM

Ini-report ng isang "Bayan Patroller" ang paggamit ng isang kagawad sa sasakyan ng kanilang barangay sa Quezon City para maghakot ng personal na gamit.

Nakunan ng larawan Bayan Patroller ang paggamit sa emergency vehicle ng Barangay Alicia sa Bago Bantay, Quezon City noong Setyembre 24.

May nakalagak na kahoy at mga bakal sa sasakyan.

Ayon sa Bayan Patroller, ginamit ni Kagawad Gusting Pataueg ang sasakayan sa paghakot ng gamit para sa ipinapagawa niyang bahay ng anak sa Santa Maria, Bulacan.

Inamin naman ito ni Pataueg at agad humingi ng paumanhin.

Napilitan umano siyang gamitin ang sasakyan dahil wala na siyang ibang mahiraman.

Ayon din kay Pataueg, nagpaalam siya sa kanilang kapitan at executive officer bago gumamit ng sasakyan.

Ayon naman kay Kagawad Rowena Pobar, nagpatawag ng emergency meeting ang kanilang kapitan para magpaliwanag si Pataueg tungkol sa paggamit ng sasakyan ng barangay.

Noong Abril, isang barangay captain din sa Quezon City ang umamin na ginamit niya ang dalawang sasakyan ng kanilang barangay para sa "bonding" ng mga miyembro ng Task Force on Youth Development (TFYD) sa isang resort.

Isinabay sa "bonding" na iyon ang pagdiriwang ng kaarawan ng anak ng kapitan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.