Menor de edad, criminology graduates huling gumagamit ng marijuana

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2017 10:46 AM

MAYNILA - Huli ang isang menor de edad at dalawang criminology graduates sa Tondo, Lunes ng madaling araw matapos maaktuhang gumagamit at nagre-repack ng marijuana.

Nasabat ng mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District mula sa mga suspek ang 575 sachet ng marijuana at aabot sa 175 grams ng hindi pa nare-repack na damo.

Aabot sa P6,000 ang halaga ng mga nasabat na droga.

Mismong may-ari ng Minitel branch sa Road 10 ang nag-alerto sa pulisya ukol sa kahina-hinalang kilos ng mga suspek na umupa ng isang kuwarto.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act ang dalawang suspek habang nakatakda namang ibigay sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.