Hanggang P14 dagdag-pasahe kada kilometrong takbo ng taxi, nakaumang ngayong linggo

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2017 10:18 PM | Updated as of Oct 03 2017 12:16 AM

Inaasahang ilalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bagong sistema ng singilan sa pasahe ng taxi ngayong linggo.

Ayon sa LTFRB, mapapako sa P40.00 ang flagdown rate ng pasahe sa taxi pero may dagdag-bayad na ang "distance travelled" o "running time" na maglalaro sa P12.00 hanggang P14.00 kada kilometro.

Magkakaroon na rin ng singil sa tinatawag na "on-board time" o ang panahong nakahinto o nakatengga sa trapik ang taxi.

Maglalaro ito sa P2.50 hanggang P3.50 kada minuto.

Kontento na rito ang mga grupo ng taxi operators.

Hinikayat rin ng pinuno ng isang asosasyon ng taxi operators ang iba pang operators na huwag munang magtaas ng singil sa boundary para maramdaman naman anila ng mga driver ang benepisyo ng bagong sistema.

Samantala, tataas na naman ang presyo ng diesel, gasolina, at gaas simula Martes, Oktubre 2, kasunod ng malakihang dagdag-presyo sa LPG at Auto LPG.

OIL PRICE HIKE

Auto LPG

  • Clean Fuel - P2.50 kada litro
  • Petron - P2.75 kada litro


 Diesel at kerosene

  • P0.55 kada litro

Gasolina

  • P0.25 kada litro

Mula Enero 2017, umabot na sa P4.85 kada litro ang itinaas sa presyo ng diesel at P3.89 naman sa gasolina.


-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.