2 lalaki sugatan nang pagbabarilin ng 'riding-in-tandem' sa Pasay

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2017 10:09 AM | Updated as of Oct 02 2017 10:13 AM

MAYNILA - Sugatan ang 2 lalaki na pinagbabaril ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklO sa Pasay City kagabi.

Ayon sa awtoridad, nakatambay ang magkaibigan sa tapat ng isang kainan sa Burgos Street nang huminto ang mga suspek sa harap nila.

Kita sa CCTV footage ang pagbaba ng nakaangkas na lalaki at pagsugod niya kina Ervin Cruz at Christian Lopez.

Bagamat di kita sa video, nakatakbo pa daw ang mga biktima na pilit namang hinabol ng salarin.

Sugatan na si Cruz nang makitang tumatakbo sa eskinita sa footage ng isa pang CCTV.

Kinuha pa ng isa sa mga salarin ang isang nakaparadang motorsiklo.

Nagtamo si Lopez at Cruz ng tig-isang tama ng bala sa dibdib bagama't daplis lang ang sa huli.

Unang dinala sa Pasay City General Hospital ang dalawang biktima. Ayon sa pulis, inilipat na sila sa San Juan de Dios Hospital.

Apat na basyo ng baril ang natagpuan sa crime scene. Tadtad din ng tama ng bala ang mga establisyimento sa paligid.

Hindi pa rin kilala ang mga salarin na parehong naka-helmet at jacket.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.