Notoryus na 'tulak-droga', 26 iba huli sa drug den sa QC

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2016 09:17 AM

MANILA - Inaresto ang 27 indibidwal, kabilang ang umano'y notoryus na tulak-droga, matapos salakayin ng mga pulis ang isang bahay sa Sta. Cruz, Quezon City Linggo.

Kinilala ang may-ari ng bahay at umano'y drug pusher na si Monica Delasan alyas "Monique", na numero uno sa drug watchlist ng barangay.

Ayon kay police Superintendent Igmedio Bernaldez, isang linggong nagsagawa ng surveillance ang mga Station Anti-illegal Drugs sa bahay bago ikasa ang operasyon.

Nakumpirma anya nilang ginagawang drug den ang bahay ni Delasan nang maaktuhan umanong gumagamit ng shabu ang mga natimbog na parokyano, kabilang ang limang babae.

Sumuko na si Delasan sa Oplan Tokhang pero nagpatuloy pa rin sa pagbebenta ng droga, dagdag ng pulisya.

Narekober mula sa suspek ang apat na bulto ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,000.

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.