Duterte, hinamon ang Ombudsman at Chief Justice na sabay-sabay silang mag-resign

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2017 07:42 PM | Updated as of Oct 01 2017 08:06 PM

Uminit ang ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa talumpati niya sa pagtitipon ng mga miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Davao City Chapter nitong Sabado, Setyembre 30.

Binanatan ng Pangulo ang pahayag ni IBP president Abdiel Dan Fajardo na huwag maging balat-sibuyas ang Pangulo bilang isang opisyal ng gobyerno.

Kaugnay ito ng imbestigasyon ng Obudsman sa yaman ng pamilya Duterte.

"Who the f*** are you to tell me in the face of fabricated evidence? Sinabi ko na before the election na wala ako (wealth) niyan... Ihampas ko sa mukha mo 'yang p*** papel na 'yan." ani Duterte.

Binatikos din ng Pangulo si Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang.

Mismong Anti-Money Laundering Council (AMLC) na umano ang nagsabing hindi pa ito nagbibigay ng impormasyon sa Ombudsman kaugnay sa sinasabing transaksiyon ng pamilya Duterte na umabot umano ng daan-daang milyong piso mula 2006 hanggang 2016.

Iginiit ng Pangulo na hindi siya magpapasakop sa imbestigasyon ng Ombudsman.

Hinamon niya rin sina Ombudsman Conchita Carpio Morales at Chief Justice Maria Lourdes Sereno na mag-resign kasama niya.

"I challenge the two, we will go to Congress, in a simple ceremony, we sign the letter of resignation. Sige nga, and let us open all the books, pati inyo," ani Duterte.

Una nang sinabi ni Duterte na bubuo siya ng komisyon na mag-iimbestiga rin sa katiwalian sa Ombudsman. 

-- Ulat ni Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.