3 Chinese 'kidnapper' huli sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2017 12:29 PM | Updated as of Oct 01 2017 05:17 PM

CALAMBA, Laguna - Naaresto sa lalawigang ito nitong Sabado ang 3 Chinese national na hinihinalang dumukot sa isang kapwa nila Tsino.

Ayon kay Calamba police Chief Supt. Sonny Celedio, nakatanggap sila ng tawag mula sa opisyal ng barangay ukol sa kahina-hinalang Toyota Innova ng mga suspek na napansing paikot-ikot sa lugar.

Nang pahintuin, nakita ng mga pulis sa loob ng sasakyan ang biktimang si Jackie Ong, 36-anyos na finance head ng isang communications firm sa Makati.
 
Nakaposas ang kamay at paa ni Ong nang masagip, ani Celedio.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na dinukot ng mga suspek ang biktima mula sa harap ng isang condominium sa Makati nitong Biyernes.

Kinilala ni Celedio ang mga suspek na sina Su Sheng Fu, 27; Yu Guan Dong, 33 at Chen Wen, 22 -- pawang mga naninirahan sa Makati.

Nakuha aniya mula sa grupo ang isang kalibre .45 na baril. Ulat ni Noel Alamar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.