BATAS-KAALAMAN: Legal ba na ipalabas ang umano'y sex video ni De Lima?

Demerie Dangla, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2016 10:56 AM

Matunog ngayon ang isyu kaugnay sa plano ng Kamara na ipalabas ang sex video umano ni Senador Leila de Lima sa gitna ng imbestigasyon sa umano'y paglaganap ng iligal na droga sa New Bilibid Prison.

Ito ang sinasabing magpapatunay sa relasyon umano ni De Lima at dati nitong drayber na si Ronnie Dayan, na inakusahang tagakolekta ng pera sa mga drug lord sa Bilibid.

Ngunit sa paliwanag ni Atty. Claire Castro sa programang "Usapang de Campanilla," ang pagpapalabas ng sex video ay lalabag sa "Anti-Photo and Video Voyeurism Law."

Ayon sa batas na ito, ipinagbabawal ang pag-"publish" o pag-"broadcast" ng mga litrato o bidyo ng kahit anong sexual act, kabilang na ang pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan ng tao.

Sa deklarasyon ng polisya ng batas, nakasaad na pinapahalagahan ng estado ang dignidad at privacy ng bawat tao kaya naman ginagarantiya ng estado ang buong respeto sa mga karapatang pantao.

Ayon din sa naturang batas, papayagan lamang ang paggamit ng malaswang bidyo o litrato kung mayroong written order ng korte, at gagamitin ito bilang ebidensiya sa civil o kriminal na imbestigasyon na may kinalaman sa mismong akto ng pagkuha ng malaswang bidyo o litrato, upang may managot at maiwasan ito.

Dagdag pa rito, magbibigay ng kaukulang kaparusahan ang batas sa mga akto na sisira sa dangal, dignidad, at integridad ng isang tao, kaugnay ng pagpapalabas ng malalaswang litrato o bidyo.

Ani Castro, "Kapag ito (sexual act) ay ginawa at ni-record, lalo na kung hindi alam ng taong involved, ito ay labag sa batas.... so with more reason na ang pagpapalabas o pag-share nga lang po ay hindi na rin naaayon sa batas at labag ito."

Sa kabila nito, naninindigan si House Speaker Pantaleon Alvarez na walang lalabaging batas ang pagpapakita ng umano'y sex video ni De Lima sa Kamara.

"Dapat tandaan natin na hindi naman ito criminal proceedings na 'yung video tape na 'yun ay gagamitin natin para i-prosecute ang isang tao. Ito, fact-finding lang po ito, naghahanap lang po tayo ng katotohanan dito. Wala po tayong pino-prosecute na tao. Sa tingin ko naman walang paglabag sa batas," aniya sa panayam sa DZMM.

Ilang mga senador na rin ang kumondena sa planong pagpapalabas ng naturang bidyo at sinabing ito ay lapastangan at iligal. Tutol din ang Gabriela Women's Party.