Umano'y supplier ng droga sa mga beer house sa QC, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 05:30 PM | Updated as of Sep 30 2017 06:59 PM

Timbog sa loob mismo ng kaniyang bahay nitong Biyernes ng gabi ang isa umanong nagbebenta ng ilegal na droga sa ilang beer house sa Quezon City.

Makikita sa surveillance video ang pagbibigay ng isang sachet ng hinihinalang shabu ng umano’y tulak na si Jesus del Carmen alyas 'Ching' sa nagpanggap na buyer. 

Makalipas ang ilang sandali, dumating na ang mga pulis at nakuha ang anim na sachet ng hinihinalang shabu, at P500 buy-bust money.

Si Del Carmen ang itinuturong nagbebenta ng ilegal na droga sa mga beer house sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City. 

Ayon kay Chief Inspector Sandie Caparroso, nasa drug watchlist si Del Carmen pero hindi siya sumuko sa 'Oplan Tokhang'. 

Aminado naman si Del Carmen na nagbebenta siya ng ilegal na droga pantustos sa sariling bisyo pero itinangging nagsu-supply siya nito sa mga beer house. 

Sasampahan si Del Carmen ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Target naman ng follow-up operation ng Batasan Police ang pinagkukunan ni Del Carmen ng supply ng ilegal na droga. 

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.