Tulak ng tawas? Arestadong lalaki, nameke lang umano ng droga

Marianne Claire Reyes, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 11:36 AM

Tawas at hindi shabu ang laman umano ng dalawang paketeng nakumpiska mula sa isang tulak sa buy-bust operation sa Baguio City Biyernes ng gabi. 

“Isa lang masasabi ko, hindi po totoo 'yun. Nangangailangan lang po ako,” ayon sa suspek na si Erwin Reyes.

Timbog sa buy-bust operation si Reyes, maintenance crew ng isang establisyemento, tubong Iloilo, at walong taon nang naninirahan sa Baguio City. Nahuli siya sa Abanao Street sa Barangay Azcko.

Giit ni Reyes, peke ang laman ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu na nakuha sa kaniya. Ginagawa lamang daw niya ito dahil may nangungulit sa kaniyang buyer.

“'Yung ginawa nating buy-bust, through cellphone kasi 'yan, nakipag-transact tayo. Bumili tayo, umoo naman siya. Nung 'yung agent natin, ibinigay na 'yung pera at ibinigay na 'yung item, ito na 'yung signal upang hulihin siya,” paliwanag ni Chief Inspector Marlo Evasco.

Dinala na sa Philippine Drug Enforcement Agency sa Cordillera si Reyes habang pinoproseso na ang nakuhang ebidensiya sa kaniya upang makumpirma kung ano nga ba ang laman nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.