Truck nahulog sa bangin; 1 patay, 1 sugatan

Marianne Claire Reyes, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 01:41 PM

Isa ang patay habang isa naman ang sugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang trak sa Baguio City.

Nakilala ang nasawi na si Jessie Masda Pucay na nagtamo ng matinding fracture sa ulo sanhi ng aksidente.

Ligtas naman ang pahinante nitong si Jener Carias.

Galing sa minahan ng Philex ang trak at magde-deliver sana sa Baguio City nang mahulog ito sa bangin at bumagsak sa Sitio Tapak, Ampucao sa Itogon, Benguet noong Huwebes.

Tumilapon muna si Carias bago tuluyang nahulog ang trak sa bangin. Nagawa pa ni Carias na umakyat at humingi ng tulong sa mga motorista. Kasalukuyan itong nagpapagaling sa ospital.

“Base sa sinabi nung pahinanteng nakaligtas, nag-inuman muna sila bago bumiyahe, so ayun ang nabanggit niya kaya wala muna tayo confirmation doon sa sinabi ng pahinante dahil patay na nga 'yung driver,” ayon kay Chief Inspector Eugene Raymundo.

Patuloy pa rin na iniimbestigahan ang insidente upang malaman kung nagkaproblema rin ang sasakyan.

“Sundin lang natin kung ano man ang batas trapiko and then iwasan uminom, iwasan 'yung mga distracting na bagay kasi lahat naman po, 'pag nadi-distract talaga 'yung driver natin, kadalasan nag e-end sa aksidente,” payo ni Raymundo.

Itinuturing na accident-prone ang lugar at may nakalagay na reflectorized stickers at harang sa bangin. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.