Kotse bumagsak mula sa gusali sa Maynila; babae patay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 06:13 AM

Bumagsak ang isang itim na kotse mula sa parking area sa ikalimang palapag ng isang gusali sa Sta. Cruz, Maynila alas-11:30 ng gabi, Biyernes.

Halos madurog ang sasakyan na nakataob nang nahulog sa walkway ng gusali.

Ayon sa nakakitang si Tyrone Cruz, naglalakad siya at ang isang kasama sa walkway nang nakarinig sila ng malakas na tunog na parang galing sa construction. 

Doon nila nakitang nahulog ang kotse sa bubong ng fast food restaurant sa ground floor ng gusali, bago ito bumagsak nang pataob sa walkway.

Malaking butas ang naiwan sa harang ng parking area na nilusutan ng kotse bago ito bumagsak.

Lulan ang kotse ng isang babaeng nakasakay sa driver's seat.

Binuksan ng mga rescuer ang nayuping pinto gamit ng mga snipper at hydraulic tool para mailabas ang babae.

Isinugod siya sa Jose Reyes Memorial Medical Center kung saan siya idineklarang dead on arrival.

Iniimbestigahan pa kung paano nahulog ang kotse.

Walang humarap na kinatawan ng gusali para magbigay ng pahayag. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.