Bata ligtas matapos mahulog sa tulay na walang barandilya

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 10:26 AM

ISABELA – Nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang isang 8-taong gulang na batang lalaki matapos mahulog sa tulay na walang barandilya sa Barangay Capirpirwan, bayan ng Cordon dito.

Nagtamo ng fracture sa ulo at maga ang mukha ng bata dahil sa aksidente.

“Naglalaro sila, tinakpan 'yung mata tapos nagpaekis-ekis ang lakad. Nung makita ng kapatid niya ay nasa baba na,” kuwento ng lola ng bata.

Napag-utusan daw ng kanilang ina ang bata na bumili ng kape. Pauwi na raw sila ng kaniyang kapatid nang madisgrasya.

Nagsisi naman ang ina na inutusan pa ang mga anak. Pero giit niya, naiwasan sana ang aksidente kung may harang ang tulay.

“Sana magawan nila ng paraan ng malagyan iyon ng harang,” hiling niya sa mga kinauukulan.

Nasa pitong residente na ang nahuhulog umano sa tulay na naipatayo noong taong 2000 bilang bahagi ng pagpapagawa ng isang farm-to-market road.

Ang nangasiwa raw dito ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) 4th Engineering District.

Sabi ng dating punong barangay na si Julian Valdez Jr., wala raw talagang inilagay na harang sa tulay.

“Nagpadala ako ng request noon sa DPWH pero walang nangyari. Siguro nagamit lahat 'yung pondo para dun sa paggawa ng tulay,” paliwanag ni Valdez.

Susubukan naman daw ng kasalukuyang punong barangay na idulog ang problema sa lokal na pamahalaan.

“Dapat talagang malagyan ito ng harang kahit steel railings lang, pero idudulog natin sa LGU kasi hindi kaya ng pondo ng barangay,” sabi ni Barangay Chairman Mario Evangelista.

Isasabay na rin ang paglalagay ng streetlight para maging maliwanag sa paligid ng tulay at maiwasan na ang disgrasya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.