P6-M na halaga ng shabu, nasabat sa drug bust

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 11:35 AM

Nakuha kay Dante Pilapil ang 533 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P6-M sa isinagawang buy-bust operation sa Consolacion, Cebu

CONSOLACION, Cebu – Isang itinuturing high value target ng awtoridad ang naaresto at nakuhaan ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6 milyon sa bayan ng Consolacion.

Nakuha mula kay Dante Pilapil ang 533 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P6 million, at kalibre .38 na baril.

Arestado din ang 6 pang kasamahan ni Pilapil.

"Sila din ay nagbibigay dito sa kalapit nating municipality sa Liloan at siguro nakakaabot na rin sila dito sa may Compostela,” ayon kay Superintendent Mina Domingo, hepe ng Consolacion Police.

Inamin ni Pilapil na pumasok siya sa ilegal na gawain para may ipakain sa kanyang pamilya.

Hindi pa matukoy ng awtoridad ang pinagkukunan ng droga ni Pilapil.

Samantala, isang 27-anyos na dating nakulong ang napatay ng hindi pa nakikilalang salarin Huwebes ng gabi sa Cebu City.

Ayon sa Cebu City Homicide Section, ang biktima ay nakaupo lamang sa labas ng bahay ng kanyang kaibigan nang biglang barilin ito ng dalawang salarin.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Hinala naman ng kanyang kapatid na ang salarin sa insidente ay ang dalawang kaibigan ng biktima na kasama niyang naglalaro ng ilegal na larong “hantak”.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya sa bahay ng isa sa mga suspek sa barangay Apas, ngunit nakatas na umano ang mga ito.