Ilang barangay sa Lapu-lapu City, lubog pa rin sa baha

Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 08:01 AM

LAPU-LAPU CITY - Lubog pa rin sa baha ang barangay Basak dito sa lungsod, halos isang linggo matapos bumuhos ang malakas na ulan na dala ng habagat.

Abot tuhod pa rin ang baha sa ilang lugar bagamat gumagamit na ng water pump ang mga residente upang higupin ang tubig.

Nagrereklamo at umaapela na ang ilang residente sa umano'y kulang at mabagal na aksiyon mula sa lokal na pamahalaan dahil nagsisimula ng dapuan ng lagnat, sipon, ubo, at mga sakit sa balat ang mga bata dahil sa hindi paghupa ng baha sa barangay.

Umaasa ang mga taga barangay Basak na agad masosolusyunan ang patuloy na pagbaha sa kanilang lugar lalo na't nag-abiso na ang PAGASA na maaaring bayuhin na naman ng malakas na ulan ang Visayas sa pagpasok ng isang bagong low pressure area sa Philippine Area of Responsibility.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.