Guro na nanampal ng 4 na estudyante, kinasuhan ng child abuse

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 08:14 AM

AGLIPAY, QUIRINO - Pormal nang sinampahan ng kasong child abuse ang guro na nanampal ng 4 niyang estudyante, Huwebes.

Isinampa ang kaso laban kay Gilbert Almeda matapos makuha ang salaysay ng 4 na mag-aaral na napagbuhatan niya ng kamay habang nagkaklase.

"Napatunayan sa imbestigasyon na nagkasala 'yung teacher kaya sinampahan namin ng case," sabi ni S/Insp. Erwin Ladia, hepe ng Aglipay Police.

Malaking tulong din sa kaso ang cellphone video ng insidente, dagdag ni Ladia.

Sabi ng magulang ng isa sa mga biktima, hindi nila mapapatawad ang guro sa kaniyang ginawa.

Tinututukan na rin ng Provincial Social Welfare and Development Office ang insidente.

"What is the use of this Republic Act 7610 kung hindi natin susundin," giit ni Agaton Pagbilao Junior ng PSWD.

Muling binalikan ng news team si Almeda, pero tumanggi pa rin ito na magbigay ng pahayag.

Inaasahang haharap din sa kasong administratibo si Almeda sa oras na makumpleto na ang imbestigasyon na isinasagawa ng Department of Education.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.