Umano'y supplier ng droga sa mga estudyante, arestado sa Iloilo

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 05:23 PM

ILOILO CITY - Isang 22-anyos na lalaki na umano'y nagbebenta ng ilegal na droga sa mga estudyante ang arestado sa isang buy-bust operation sa Barangay Balabago sa Jaro, Huwebes.

Ayon sa Jaro Police, nakuha mula sa suspek na si Franz Jimaga ang 6 na sachet ng shabu.

Dagdag ng mga awtoridad, nakita rin sa cellphone ng suspek ang ilang mensahe ng pakikipagtransaksiyon ni Jimaga sa mga teenager na umano'y bumibili sa kanya ng droga.

Ayon sa mga pulis, si Jimaga ang pinagkuhanan ng droga ng dalawang estudyante na nahuling gumagamit ng shabu sa bayan ng La Paz kamakailan.

Bagamat itinanggi ni Jimaga ang mga paratang, haharap pa rin siya sa ilang kaso dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.