Uber at Grab, tatanggi nang mag-deliver ng package kung di kasama ang nag-book nito

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 08:38 PM | Updated as of Sep 28 2017 11:08 PM

Napagkasunduan ng mga transport network company, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na hindi na tatanggap ng mga package ang Grab at Uber kung hindi ito sasamahan ng nag-book. 

Ito'y matapos madiskubre ng PDEA na gumagamit na ng ganitong app-based services ang mga drug trafficker para i-deliver ang ilegal na droga. 

Kamakailan, lumutang ang isang driver ng Grab Express na ginamit para magpadala ng isang sobreng naglalaman pala ng mga tableta ng ecstasy.

Agad naman itong ini-report ng rider sa kompanya.

Nitong Hulyo naman, isang babae ang nagpadala ng pitakang may lamang marijuana sa isa ring Grab Express rider.

Kaya nagbabala na ang PDEA sa mga transport network vehicle service (TNVS) dahil nagagamit na sila bilang drug courier nang hindi nila nalalaman.

Para naman sa Grab Express, kasama rin sa napagkasunduan na kailangan munang ipabukas ang package sa sender bago ito i-deliver.

May susulatang form para makuha ang impormasyon ng sender o nagpadala at ng recipient o tatanggap.

At kapag hindi ito ginawa, maaaring tanggihan ito ng driver.

Paliwanag ng LTFRB, malinaw na "passenger service" ang nakasaad sa Certificate of Public Convenience ng mga TNVS kaya malayo na sa alituntunin at kondisiyon ng prangkisa ang pagde-deliver ng mga package.

Suportado naman ng Grab at Uber ang mga napag-usapan.

Sinabi nilang hindi makakaapekto sa mga driver sakaling mabigyan sila ng mababang rating dahil sa pagtanggi.

Ito'y sa gitna ng idinulog ng TNVS drivers na nakakakuha sila ng mababang ratings kapag tumatangging mag-deliver ng mga kaduda-dudang padala tulad ng isang insidente na bangkay ang ipinapasakay sa isang Grab driver.

Nangako rin silang aalertuhin agad ang mga awtoridad sakaling may mga nagpapadalang ayaw magpakita ng kanilang package.

Sisilipin naman ng LTFRB ang iba pang pampublikong transportasyon na posibleng nagagamit din sa pag-deliver ng ilegal na droga tulad ng mga taxi at UV express.

Maglalabas rin ang LTFRB ng kautusan para sa mandatory drug testing ng mga driver ng mga pampublikong sasakyan kabilang na ang mga nasa TNVS.

-- Ulat nina Jacque Manabat at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.