‘Tulak’ na kagawad, arestado sa Coron

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 05:10 PM

CORON – Isang kagawad ng barangay ang arestado matapos na mahulihan ng 17 sachet ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation, Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Roger Gacayan, kagawad ng Barangay Decalachao, at itinuturing high value target ng mga awtoridad.

Nakatanggap umano ng reklamo ang pulisya hinggil sa pagkakasangkot ni Gacayan sa iligal na bentahan ng droga sa lugar.

Wala umano itong takot sa kabila ng patuloy na kampanya ng awtoridad kontra droga.

May dalawang buwan din binantayan si Gacayan matapos ginawa ang buy-bust operation.

Bukod sa shabu, nakumpiska mula sa kanya ang marked money at ilan pang drug paraphernalia.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Gacayan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.