Palasyo, bumuwelta sa resulta ng bagong survey ukol sa EJK

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 09:33 PM

Bumanat ang Palasyo sa kinalabasan ng bagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing lagpas kalahati ng mga Pilipino ang hindi kumbinsidong "nanlaban" ang mga napatay na drug suspects sa ilalim ng kampanya laban sa ilegal na droga.

Isinagawa ang "non-commissioned" survey noong Hunyo 23 hanggang 26 sa 1,200 katao. 

Tanong ng SWS: "Sumasang-ayon ba kayo o hindi na marami sa mga pinatay ng mga pulis sa kampanya laban sa ilegal na droga ay hindi totoong nanlaban?"

Karamihan sa sumang-ayon ay mga respondent sa Metro Manila. Ayon pa sa survey, lagpas kalahati ng class D at E o masa ang hindi naniniwalang pumalag ang mga napatay na suspek. 

Pero ang Malacañang, hindi sang-ayon sa naging paraan ng pagtatanong ng SWS. 

"We expect pollsters to exercise prudence and objectivity to arrive at a closer approximation of public sentiment," ayon kay Ernesto Abella, tagapagsalita ng Pangulo. 

Naimpluwensyahan umano ang mga respondent sa paraan ng pagkakalatag ng tanong, kung kaya't hindi nakuha ang totoong pulso ng bayan. 

"It seems the 2nd Quarter SWS Survey contains leading and pointed questions that may have unduly influenced the answers of respondents," dagdag pa niya. 

Sabi naman ng Philippine National Police (PNP), patunay ang 85 pulis na namatay sa war on drugs na nanlaban talaga ang mga suspek habang inaaresto.

May 204 din umano ang mga nasugatang pulis bunga ng kanilang operasyon laban sa ilegal na droga. 

Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Senior Supt. Dionardo Carlos, iginagalang naman daw nila ang resulta ng survey.

"Ginagalang namin 'yung survey...[Pero] dapat muna naming makita, 'yung question baka masyado leading kaya ganun ang reaction ng na-survey," ani Carlos.

Iginiit naman ng SWS na siniguro nilang patas ang mga katanungan sa survey. 

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.